Friday, October 17, 2008

Hay Buhay

Nakailang beses tumawag ang kapatid ko sa telepono. Hindi ko naman nasagot kaagad sapagkat abala ako sa aking trabaho. Nung pauwi na ako sa bahay ay naisipan ko syang balikan ng tawag. Siya naman ang hindi sumasagot. Naisipan kong tawagan ang mommy sa bahay niya. Alas-sais ng gabi sa Amerika, kaya alas-dose ng gabi sa Alemanya. Kadalasan ay gising pa si mommy ng ganitong oras at nakaugalian na namin ang mag-usap sa telepono bago siya matulog. Ang stepfather ko ang sumagot. "Wo ist die Mommy?" (nasaan si mommy?) ang tanong ko. "Die ist im Krankenhaus" (nasa ospital sya), ang sagot nya naman. "WARUMMMMMMMM????" (bakit?)...."nochmal anfall gehabt" (inatake na naman siya)...."ich warte noch auf ein anruf von Chico" (naghihintay pa ako ng tawag ni Chico-kapatid ko).... hindi ko na naintindihan pa......

Hindi na ako masyadong nakapagsalita. Nanlata, naupos akong parang kandila. Nagpaalam na ako sa stepfather ko. Sabi ko ay tatawagan ko si Chico. Ang dyaske at hindi naman sumasagot. Patay ang celfone. Sobrang kaba ang aking dibdib. Taong 2002 nung unang nagkaroon ng epileptic seizure si mommy. Grand Mal. Matindi. Hindi namin alam kung saan ito nagmula. Wala naman history ng epilepsy si mommy. Basta bigla na lang nangyari. Sa awa ng Diyos ay hindi na ito naulit pa. Ilang taon na din ang nakalipas. Hanggang dumating nga sa puntong ito.
Ang mga nakaraang buwan kasi ay sobrang stressful para sa kanya. Namatay ang byenan nya, na inalagaan nya ng ilang panahon. Dinapuan ng oral cancer ang aking stepfather at katatapos lang ng treatment nya at naghihintay ng resulta. Kaya labis labis ang aking kaba at takot ng malaman kong inatake na naman siya. Baka hindi nya makayanan.

Laking pasasalamat ko sa Diyos ng makausap ko ang kapatid ko. OK naman daw si mommy. Nakausap ko pa nga. As usual, in good spirit siya. Nakukuha pang magbiro. Nagugutom nga daw siya dahil nangyari ang atake habang pakuha siya ng hapunan. Kailangan niyang manatili sa ospital upang maobserbahan at para na rin magawan siya ng mga pagsusuri.

Kahit papaano ay nabawasan ang dinadala ko. Medyo nakahinga ako ng maluwag. Pero nandun ang lungkot. Naiyak ako kasi gusto kong mayakap ang nanay ko. Gusto kong nandun ako sa tabi nya, gaya ng dati. Mahirap ang malayo. Wala akong magawa kung hindi ang paulit-ulit na magdasal. Alam ng Diyos kung ano ang nais ng aking puso. Alam Niya. At nananalig akong diringgin Niya.

6 Comments:

At 12:41 AM , Blogger justice said...

kumare, unang-una, laking ginhawa sa loob ko na mabasang ok na si titamommy. habang binabasa ko ang kwento mo, parang sasabog ang loob ko at takot akong ituloy basahin dahil ayokong may mabasang di maganda.

alam ko ang nararamdaman mo. ang hirap talaga ng malayo.

lagi kayong kasama sa aking dasal na laging bantayan.

 
At 5:39 AM , Anonymous Anonymous said...

Hello Rhada!

Grabe, super naka-relate ako dito. Ang nanay ko healthy pa rin naman kaya lang sabay sa pagtanda, lumalabas na ang mga sakitsakit. Ganyan ang naramdaman ko tuwing sinasabi nilang na-ospital ang nanay ko kahit na di malubha. Sa tuwing ospital kasi, kailangang salinan ng dugo o kaya naman ooperahan. Tutuo sinabi mo, hirap talaga ang malayo sa nanay. Dinadaan na lang natin sa iyak kahit na hindi naman grabe ang sitwasyon. Yong bang ang feeling na wala ka kasing magawa kahit na sinasabi nila na ok naman sila.

Anyway, glad your mother is fine. Hanggang dasal na nga lang ang puwede nating gawin.

O shya, enjoy your weekend!

 
At 12:26 PM , Blogger tintin said...

((HUGS)) Rhada and to your mom too!

 
At 2:31 AM , Blogger marie said...

Sana naman tuloy tuloy na ang pagbuti niya.

 
At 2:00 AM , Blogger Francesca said...

kung baclaran cubao lang yan, baka nilipad mo na, makita mo lang mama mo.
i lost my mom at cherryhills landslide in antipolo, and i felt your pain, kasi I cant see her at all, stuck up ako sa France non, wala papel.

I treat mo kaya si mommy sa massage, hehe.

 
At 6:31 AM , Blogger HiPnCooLMoMMa said...

buti naman at ok na si Mommy mo...ang hirap ng malayo noh. Well the Lord will always grant the desires of your heart, including your Mom's complete healing.

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home